Sino?
- Kaye Santos
- Oct 24, 2017
- 2 min read
Sa loob ng 17 taon na nabubuhay ako sa mundo, alam ko--- nararamdaman ko--- pwede na. Ito na ba yung oras? Magiging masaya nga ba ako kung ititigil ko na ang lahat? Ang dami kong tanong na alam kong hindi naman masasagot kailanman.
Nakakasawa. Nakakapagod. Nakakabagot.
Paano ko pa ba pwedeng ilarawan ang buhay ko? Siguro, lahat ng katumbas na salita ng mga nasa itaas. Hindi ko alam kung bakit. Mali, alam ko pero hindi ko maamin. Natatapos ang bawat araw ko na nagbabaka sakaling may "bago" namang naghihintay para bukas. 'Ika nga ng iba, "There's more." Marami pang maaaring mangyari sa buhay. 'Wag kong sumahin na para bang ito lang ang pwedeng mangyari sa akin.
Puro lungkot, pag-iyak, sakit, may kulang--- ang pakiramdam na parang walang taong namamahay sa katawan mo. Walang kaluluwa o ano pa man. Nararanasan kong kahit anong gawin ko ay naiiyak ako. Saglit na masaya pagkatapos ay puno naman ng luha.
"Bakit ako ganito?" Lagi ko nang tanong iyan. Kasabay ng "Bakit ang unfair?" at iba pang mga tanong na hindi ko maipaliwanag. Iniisip ko na lang, sa maling panahon ako nabuhay. Hindi ako para dito. Sumasakit lang ang ulo ko sa sobrang pag-iisip kung anong dahilan ng pagkabuhay ko sa mundo. Sa pagtingin ko sa salamin, hindi na ako ang nakikita ko. Sino na ba ako?
Alam kong sarili ko lang ang dapat kong sisihin pero hindi ko maiwasang ipukol sa iba ang pagbabago ko. "Kasalanan ito ng ibang tao." Iyon ang alam ko. Hindi naman kasi ako magiging ganito kung hindi nila ipinaramdam sa akin na parang tinatalikuran na ako ng mundo at tanging sarili ko na lang ang mayroon ako. "Kasalanan ko ito."--- dahil hinayaan kong gawin sa akin ito ng mundo. Baguhin ang pananaw at pag-uugali ko. Hindi maganda.
Kailangan kong magbago. Kailangan kong maging dating "ako." Ang "ako" na hindi pinipilit ang sarili na bumangon at ngumiti. Maraming nakakapansin, maraming nagtataka. Bakit isinasara ko na ang sarili ko sa mundo? Bakit ang mga taong nitong nakaraang buwan lang ay malapit sa akin ngunit ngayon ay iniiwasan ko na?
Alam kong hindi maganda ito pero masaya ako. Masaya ako sa kabila ng hindi ko pagkakakilala sa sarili ko. Natanggap ko nang hinding-hindi ako magiging okay. Hindi ko na inaaksaya ang oras ko sa pag-iyak at pagpipilit sa sarili kong maging maayos.
Kaya--- kakayanin ko. Kahit na nandito pa rin ang boses na nagsasabi sa aking hindi ko kayang lumaban. Walang nakakaintindi. Walang may pakialam. Walang maniniwala. Hindi nila nakikita, oo. At hindi ko kailangang ipakita kung gaano kagulo ang isipan ko--- ang buhay ko.
Sa tuwinang naiisip kong huminto na, alam kong hindi dapat. Ayoko. Hindi sa ganitong pagkakataon. Ayokong tumigil ang pag-ikot ng mundo para sa akin nang ganito ako. Magiging masaya pa ako. Mabubuo at mahahanap ko pa ang sarili ko. Matatagalan pero bilog ang mundo at papunta rin ako doon.
Comments